Sa Iyong Pinag-aalayan Ko Ng Tula
Walang saysay ang aking pagtutula.
Ilang obra na ang natapos
hindi pa rin maipararating
sa iyong kamalayan
ang nais ipahiwatig
nitong abang manunulat.
Hindi ba mapagtatanto
ang pagpupuyat sa paghahagilap
ng mga metapora't tugmang
akmang makapagbibigkas
ng damdaming umuugat sa kaibuturan?
Hindi ba naisasalamin
ang dugo at pawis na katumbas
ng bawat katagang nailuluwal?
Sadya nga bang kulang ang wika?
Pakiwari ko'y
lubusan mang maisasalin
sa mga salita ang pagniningas
ng aking damdamin
gawain ay mistulang hungkag
dahil sa tuwina'y iba
(at sadyang taliwas sa inaasahan ko)
ang nababasa mo
kahit pangalan mo pa ang nasa titulo.
14.abril.2005
Weaved at 5:01:00 pm by onylu